Labing-isang (11) pasahero ng lumubog na motorbanca sa karagatan ng Day-asan, Surigao City ang nailigtas ng Coast Guard District Northeastern Mindanao kahapon.
Batay sa imbestigasyon ng Philippine Coast Guard, bandang alas-3:00 ng hapon nang umalis ang MBCA mula sa isang floating resort sa Day-asan at patungo na sa Surigao City nang sumadsad sa mababaw na tubig sa Buntog Bato.
Ang insidenteng ito ang naging sanhi ng hindi paggana ng makina at pagkasira ng propeller nito.
Makalipas lang ang ilang minuto ay tuluyan nang lumubog ang motorbanca.
Agad namang nasagip ng PCG Search and Rescue team ang mga pasahero at dinala sa Coast Guard Special Operations Unit Boathouse.
Bago sila pinayagang makauwi, tiniyak ng coast guard na nasa maayos ang kanilang pisikal na kondisyon. | ulat ni Rey Ferrer