Mas mababang alokasyon ngayon ng tubig ang hinuhugot ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) mula sa Angat Dam.
Ayon kay MWSS Division Manager Patrick Dizon, hiniling nila sa National Water Resources Board (NWRB) noong weekend na ibaba sa 39cms mula sa 48cms ang alokasyon sa Angat Dam para sa mga consumer sa Metro Manila.
Sinasamantala muna aniya ngayon ng MWSS ang mataas na lebel ng tubig sa Ipo at La Mesa Dam na resulta rin ng mga pag-ulan.
Paliwanag nito, bahagi ito ng water management protocols ng Ipo at La Mesa Dam para maiwasan ang spilling activities at matipid din ang tubig mula sa Angat Dam.
Wala naman aniyang epekto ito sa mga customer ng Maynilad at Manila Water.
Katunayan, suspendido pa rin ang daily water interruption schedule ng Maynilad.
Naniniwala naman ang MWSS na magtutuloy-tuloy pa ang pagtaas ng lebel ng tubig sa Angat Dam lalo na’t may binabantayang low pressure area (LPA). | ulat ni Merry Ann Bastasa