Panalo para sa mga magsasaka ang nalalapit na pagsasabatas ng New Agrarian Emancipation Act ayon kay AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee.
Sa Biyernes, July 7 nakatakdang lagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang batas na magbubura sa pagkakautang ng agrarian reform beneficiaries.
“We thank President Bongbong Marcos for signing into law this measure that has long been sought by our farmers. Finally, they will be unburdened of their loans, interests, and penalties that contribute to their inability to overcome poverty, and are also major factors that have kept them from becoming fully productive.” ani Lee.
Bilang isa sa principal sponsor ng panukala, naniniwala ang party-list solon na malaking ginhawa ito para sa mga magsasaka na lubog sa pagkakautang at makatutulong upang umahon sila sa kahirapan.
“Dahil marami po sa ating mga ARBs ang nalulugmok sa kahirapan, kapag tinanggal po natin sa kanila ang kanilang mga pinagkakautangan ay bababa rin po ang dami ng mahihirap sa ating bansa. Mabibigyan na ang ating mga magsasaka ng pagkakataon na i-ahon ang kanilang mga sarili sa kahirapan at maki-ambag sa pag-angat ng ating ekonomiya.” ,dagdag ng mambabatas.
Bukod dito, mas matututukan na aniya nila ang pagpapalago sa kanilang lupain na magreresulta sa pagiging mas produktibo at mas maraming ani.
Sa ilalim ng panukalang batas, sasagutin na ng gobyerno ang hindi pa nababayarang utang ng mga agrarian reform beneficiary kasama ang interes at penalty at magiging exempt din mula sa estate tax.
Tinatayang nasa P57 billion na pagkakautang ang mabubura at higit 600,000 na ARB ang makakabenepisyo dito. | ulat ni Kathleen Jean Forbes