Nasa 30 kumpanya ang kalahok sa Mega Job Fair ng Lokal na Pamahalaan ng Pasig simula ngayong July 18 hanggang sa July 20 sa Ayala Malls The 30th.
Ito ay bahagi pa rin ng 450th Anniversary ng Lungsod ng Pasig.
Ayon sa Pasig Public Employment Service Office (PESO), nasa 2,500 na trabaho ang maaaring aplayan at lalahok din sa ikatlong araw ng aktibidad ang ilang international agencies.
Kabilang sa mga alok na trabaho ay clerks, cashiers, supervisors, administrative assistants, service crews, BPOs at iba pa.
Nakiisa rin ang Philippine Army at Bureau of Jail and Management Penology sa nasabing job fair.
Bukod sa job fair, tampok din ang one-stop shop lalo na para sa mga first-time jobseeker na nais makapag-avail ng libreng serbisyo o makapagparehistro sa BIR, PAGIBIG, PhilHealth, at SSS.
Para naman sa mga interesadong aplikante, pumunta lamang sa third-floor ng activity center ng nasabing mall, at magdala ng maraming kopya ng resume at ballpen simula alas-8 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon.
Payo rin ng Pasig PESO sa mga aplikante, na ihanda ang kanilang sarili dahil maaaring ma-interview at ma-hire-on-the-spot. | ulat ni Diane Lear