Inaasaahang maisasapinal ngayong araw ang National Action Plan for El Niño na tutugon sa mga epekto ng matinding tagtuyot sa bansa.
Ito’y sa isasagawang pagpupulong ngayong umaga ng National El Niño Team na binubuo ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa pangunguna ng Office of Civil Defense sa Camp Aguinaldo.
Ang pagpupulong ay pangungunahan ni Civil Defense Administrator at National Disaster Risk Reduction & Management Council (NDRRMC) Executive Director Undersecretary Ariel Nepomuceno, kung saan tatalakayin ang ginagawang paghahanda ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno.
Kasama sa tatalakayin ang mga long-term plan para sa food security, water security, energy security, health, public safety, at cross cutting issues.
Matatandaang idineklara ng PAGASA na nagsimula na ang El Niño noong July 4, at maaring tumagal hanggang sa susunod na taon.
Una nang sinabi ni Nepumoceno na ang bubuuing National Action Plan for El Niño ay naayon sa kautusan ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magpatupad ng “science-based, whole-of-nation strategy” para tugunan ang epekto sa bansa ng matinding tagtuyot. | ulat ni Leo Sarne