Inilahad ng National El Niño Task Force (NENT) ang plano ng pamahalaan para tugunan ang epekto ng El Niño sa bansa.
Sa isang statement na inilabas kasunod ng pagpupulong kahapon ng NENT na pinangunahan ni Civil Defense Administrator at National Disaster Risk Reduction & Management Council (NDRRMC) Executive Director Undersecretary Ariel Nepumoceno, limang sektor ang tutukan ng plano ng pamahalaan para maibsan ang epekto ng tagtuyot sa mga mamamayan.
Una ay ang sektor ng tubig kung saan titiyakin ang suplay ng inuming tubig at patubig sa mga sakahan sa pamamagitan ng water harvesting at conservation measures.
Ikalawa ay ang food security kung saan sisiguraduhin ang tuloy-tuloy na suplay at normal na presyo ng isda, gulay, at iba pang pagkain.
Ikatlo ang sektor ng enerhiya, kung saan isusulong ang energy conservation.
Pang-apat ang sektor ng kalusugan kung saan mahigpit na imo-monitor ang mga karamdaman na may kinalaman sa El Nino.
At pang lima ang security sector para matiyak ang peace and order kapag magkaroon ng krisis sa tubig.
Sinabi ni Nepomuceno na magkakaroon ng digital reporting ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan para sa mabilis na pag-uulat at agarang aksyon kapag nagaganap na ang negatibong epekto ng El Nino. | ulat ni Leo Sarne