Muling pupulungin ng Office Of Civil Defense (OCD) ang National El Niño Team sa Camp Aguinaldo sa July 19 para plantsahin ang mga paghahanda sa inaasahang epekto ng matinding tagtuyot na kasalukuyan nang nararanasan sa bansa.
Ito’y kasunod ng pagdeklara ng PAGASA noong July 4 ng pagsisimula ng El Niño, na posibleng lumala ang epekto sa huling bahagi ng taon.
Ang pagpupulong ay pangungunahan ni Civil Defense Administrator at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Undersecretary Ariel Nepomuceno, kung saan tatalakayin ang ginagawang paghahanda ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Kasama sa tatalakayin ang mga long-term plan para sa food security, water security, energy security, health, public safety, at cross cutting issues.
Ayon kay Nepumuceno, inaasahang maisasapinal sa pagpupulong ang National Action Plan for El Niño alinsunod sa kautusan ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magpatupad ng “science-based, whole-of-nation strategy” para tugunan ang epekto sa bansa ng El Niño. | ulat ni Leo Sarne