Maaga pa lang ay siniguro na ng Mababang Kapulungan ang maagap na pagtalakay at pagpasa sa 2024 proposed national budget.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, posibleng isang linggo matapos ang State of the Nation Address ay isumite na ng ehekutibo ang 2024 National Expenditure Program sa Kamara.
Sa pagtaya ng House leader posibleng abutin ng limang linggo ang budget deliberations bago tuluyang pagtibayin sa ikatlo at huling pag-basa bago ang kanilang session break sa Oktubre.
Katunayan, bago ang sine die adjournment ng 1st regular session ay nagsagawa na aniya sila sa Kamara ng pre-NEP consultation.
“May balita na ang DBM ay magsusumite ng ating 2024 budget na NEP, National Expenditure Program a week after the SONA. Pag nangyari po yan ,sigurado tatapusin natin yung budget before…our October break kaya. We average at least five weeks of solid work on the budget deliberations, considerations and review and approval through the third reading.” ani Romualdez.
Pagbibigay diin ni Romualdez na mahalagang maipasa ang pambansang pondo on time dahil ito ang ‘lifeblood’ ng government operations.
“Yung sinasabi ko parati gusto natin ahead of schedule…yan talaga ang sinasabi nating lifeblood yan, dugo talaga ng ating bansa in terms of circulation, operation kaya agada agad talaga nating inaasikaso yan. Kasi the soonest time that we can pass it the soonest that the basic programs, the projects can be downloaded.” sabi ng House Speaker
Kung mas maaga aniya nila ito matapos ay maaga rin itong mai-ta-transmit sa Senado para kanilang mapag-aralan at matalakay at tuluyang malagdaan ng Pangulo pagsapit ng Disyembre at maiwasan ang delay.
“…Mas maaga, mas maganda kasi at least maita-transmit natin sa Senate para sila rin makakatrabaho so that atleast bago mag-pasko pwede na, kaya nang ipirma na yan. Para sa Enero, on day 1, hit the board running release, na yung budget, para walang delay. Kasi hindi talaga makaka-afford tayo ng delay dito sa ating budget.” dagdag ng House leader. | ulat ni Kathleen Jean Forbes