Palalakasin ng Marcos Jr. Administration ang packaging at marketing ng mga produktong Pilipino, partikular iyong agri products ng bansa, upang magawang makipagsabayan ng mga ito sa global market.
Ito ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay dahil sa kasalukuyan, ito ang aspeto na nakikita ng gobyerno na maaari pang pagtuunan ng pansin.
Pagbibigay-diin ni Pangulong Marcos, kailangang maging competitive ang Pilipinas sa marketing at packaging, at hindi lamang basta nakatuon sa export ang bansa.
Kailangan na aniyang mapag-aralan pa ang pakikipag-usap sa malalaking buyer at supplier.
Kaugnay nito, binigyang diin ng pangulo ang pangangailangan ng mahigpit na kooperasyon sa pagitan ng national government at local government, para sa patuloy na pagpapadala ng mga murang pagkain sa mga consumer, mula sa mga magsasaka at iba pang agricultural producers.| ulat ni Racquel Bayan