Ikinagalak ni Senate Committee on Tourism Chairperson Senadora Nancy Binay ang anunsyo ng Cebu Pacific na alisin ang expiration date ng kanilang travel fund at pinalawig ang validity ng kanilang travel voucher ng hanggang 18 buwan mula sa August 1.
Nagpasalamat si Binay sa pagtugon ng Cebu Pacific sa panawagan ng kanilang mga pasahero lalo na’t isa ang usaping ito sa mga napag-usapan sa naging pagdinig ng kanyang komite kamakailan.
Ipinunto rin ng senadora na ngayon ay may klarong guidelines na rin ang Cebu Pacific sa pagbibiigay ng compensation kapag nagkakaroon ng problema sa kanilang flights.
Kabilang na dito ang pagkakataon na kumuha ang mga pasahero ng two-way travel voucher kapag nakansela ang kanilang flight ng 72 hours at one-way travel voucher naman para sa mga 4 to 6 hours flight delay.
Ngayon aniyang nasagot na ng airline kung ano ang pwedeng gawin ng mga pasahero kapag may flight disruptions, umaasa ang mambabatas na may maayos na rin silang hotlines at costumer service.
Naniniwala si Binay na isa na itong tamang hakbang tungo sa pagbabalik ng tiwala at kumpiyansa ng publiko at sa pagresolba ng mga aberyang nararanasan ng mga pasahero. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion