Tina-target ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na makabuo ng isang central database para sa mga pamilya, mga bata, at indibidwal na nagpapalaboy at nakatira sa lansangan.
Ayon kay DSWD Secretary Gatchalian, kasama ito sa hangarin ng proyektong Oplan Pag-abot bukod pa sa pamamahagi ng tulong sa kanila.
Sa isang panayam, sinabi ng kalihim na mahalaga ang pagkakaroon ng database upang malaman ang profile at mamonitor ang estado ng mga indibidwal at pamilyang na-reach out.
“Sa database na iyon, malalaman natin ilan ba talaga sila, saan sila nanggaling na probinsya, ano ang mga rason… Binubuo natin ang mga profile,” ani Secretary Gatchalian.
Sa pamamagitan din ng bubuuing database, madedetermina aniya ng DSWD na naakmang interventions batay sa pangangailangan ng mga indibidwal na nakatira sa lansangan.
Sa pagsisimula ng Oplan Pag-abot, kasama sa proseso ang biometrics sa mga kliyente, pagbibigay ng ID at interview assessment sa mga designated processing center.
Sa kasalukuyan, ongoing na rin ang pag-iikot ng Oplan Pag-abot para sa pagsasagawa ng reach-out operations sa Metro Manila. | ulat ni Merry Ann Bastasa
📸: DSWD