Walang magiging epekto sa kabuuang revenue ng bansa ang pag-condone o hindi na paniningil ng pamahalaan sa higit P57 billion unpaid loans ng mga magsasaka, sa bisa ng bagong Agrarian Emancipation Act na nalagdaan ngayong araw (July 7).
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno na sila sa economic team, naplano na ang fiscal feature ng bansa para sa susunod na limang taon.
Nakapaloob na dito ang deficit target at revenue collection ng pamahalaan.
Ang unpaid loans ng mga magsasaka aniya ay hindi kabilang sa computation na kanilang ginagawa.
“Walang pong impact ito and it will benefit, as mentioned by the President, many agrarian reform beneficiaries. Pag nagpapatakbo po kayo ng gobyerno, hindi lang po efficiency ang inyong iniisip, social justice din po kasama diyan. So this will fall under social justice.” —Secretary Diokno
Hindi rin aniya nakapaloob ang pangungulekta ng loans na ito, sa ginagawa nilang estimation ng kabuuang revenue ng pamahalaan.
“Hindi namin kasama yung pangongolekta nito. In fact part of it will be condoned over time. So hindi kasama ito sa estimation ng revenues on the part of the government.” —Secretary Diokno. | ulat ni Racquel Bayan