Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Migrant Workers (DMW) na makipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, upang pag-aralan ang posibilidad na maging libre na ang aplikasyon para sa Overseas Employment Certifications (OEC).
“Ang sabi nga ni Pangulo, kumpara naman doon sa sakripisyo at dangal na dinadala rin ng ating mga OFWs sa ating ‘Inang Bayan’ sabi niya, and of course, the dollar remittances. And sila ‘yung economic lifeline ng so many households across the archipelago,” —Secretary Ople.
Sa pulong kasama ang mga opisyal ng DMW, Bureau of Immigration (BI), at Department of Information and Communications Technology (DICT), kung saan inilatag ang DMW Mobile App, sinabi ni DMW Secretary Toots Ople na hinihintay na lamang nila ang approval ng DICT para sa official launching nito, upang masiguro ang cybersecurity features ng mobile application.
Posible itong maisakatuparan ngayong linggo.
“Kaunting hintay na lang po. Kami po ay nakikinig sa inyo. Alam naming na napakalaking bagay ‘yung OEC. So, ginagawa po naming lahat para ma-address itong issue na ito with the use of technology. So, abangan niyo na lang po. Kaunting pasensya pa po pero malapit na ang ating launch,” —Secretary Ople.
Ayon sa kalihim, positibo ang naging tugon ni Pangulong Marcos sa app, dahil simple lamang at epektibo solusyon ito sa mga problemang kinahaharap ng OFWs sa pagkuha ng OEC upang makapag-trabaho sa ibang bansa.
Ang nais lamang aniya ng pangulo, siguruhin na walang babayaran ang mga OFW.
“And ang bilin lang niya tiyakin daw ng department na walang babayaran ang ating mga manggagawang migrante, ‘yung ating mga OFWs, sa paggamit nung mobile app, at pag-download at pagkuha ng OFW Pass,” —Secretary Ople.
Sa pamamagitan ng mobile app na ito, magkakaroon ng access ang mga Pilipino, sa OFW Pass, o iyong digital at secure version ng OEC, na magsisilbing digital identity ng OFWs.
“The OFW Pass and OEC have significant differences. The OFW Pass, for instance, is QR-code generated and can be acquired only through the App, while the OEC requires onsite processing with a PhP100 charge. The OFW Pass is valid until the expiration of the OFW’s work contract, while the OEC only lasts for 60 days.” —PCO Secretary Garafil.| ulat ni Racquel Bayan