Isinusulong ni Senador Jinggoy Estrada na magkaroon ng Senate inquiry tungkol sa mga lumalaganap na pekeng online endorsements ng mga sikat na personalidad at mapanlinlang na mga advertisement posts sa social media tungkol sa mga ibinebentang produktong hindi naman rehistrado.
Inihain ng senador ang Senate Resolution 666 at ipinunto ang panganib na dulot sa mga konsumer ng mga mapanlinlang na online ads at mga pekeng socmed pages o account na nagpro-promote ng mga hindi rehistradong produkto at gumagamit ng pangalan at larawan ng mga lokal na mga personalidad at artista.
Giit ni Estrada, lalong delikado ang ganitong fake ads sa mga pagkain, gamot at mga produktong pangkalusugan.
Aniya, tahasan itong paglabag sa Consumer Act na nagpaparusa sa pagpapakalat ng mga mapanlinlang na sales promotion practices.
Binigyang diin ng mambabatas na kailangang agarang maprotektahan ang mga mamimili laban sa pagkonsumo ng mga hindi rehistrado at posibleng mapangani sa kalusugan na mga pagkain at produkto sa pamamagitan ng mahigpit na pagpapatupad ng batas at regulasyon.
Sinabi rin ni Estrada na dapat matukoy at matugunan ang mga posibleng butas sa mga umiiral na batas at regulasyon.
Gayundin aniya ang pag-update ng mga probisyon ng mga batas sa harap ng malawakang paggamit ng social media platforms at cyberspace maging ng mga manipulated images, spliced videos at mga gawa-gawang pahayag sa pag promote ng mga pagkain at produktong pangkalusugan. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion