Paglago ng ekonomiya ng bansa, kailangang mapanatili upang maabot ang ‘single-digit poverty incidence’ sa 2028 — NEDA

Facebook
Twitter
LinkedIn

Sa ginanap na post-State of the Nation Address Discussion, inihayag ng National Economic and Development Authority o NEDA na dapat mapanatili ang paglago ng ekonomiya ng bansa upang maabot ang target ng Marcos administration na single-digit poverty incidence sa 2028.

Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan, nakabalik na ang bansa sa high-growth norm matapos maitala ang 6.4 percent growth rate sa Gross Domestic Product nitong unang quarter ng 2023, ngunit kailangan aniya itong mapanatili at maramdaman ng iba’t ibang sektor.

Ani Balisacan, ito ay sa pamamagitan ng pagbibigay ng access sa ‘high-quality jobs’ sa lahat ng mga Pilipino, lalo na ang mga nasa malalayong lugar o ang mga nasa lalawigan kung saan mas marami ang mahihirap.

Nakapaloob naman sa Philippine Development Plan 2023-2028 ang istratehiya at programa ng pamahalaan para makalikha ng mas maraming trabaho sa Pilipinas.

Paliwanag pa ni Baliscan, malaking tulong ang pag-aalis ng state of public health emergency sa bansa na siyang magbubukas ng mas maraming trabaho sa sektor ng serbisyo at turismo na itinuturing na high-contact sectors.

Tiniyak din ng NEDA na patuloy ang mga ginagawa nilang hakbang upang makaakit ng mas marami investors sa bansa partikular na sa sektor ng manufacturing, agribusiness, information technology, at iba pa. | ulat ni Diane Lear

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us