Inaasahang magkakaroon ng paggalaw sa mga pwesto ng mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines bilang resulta ng pagtatalaga ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng magiging bagong AFP Chief of Staff.
Ayon kay Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro, ang pag-angat ni Army Chief Lt. Gen. Romeo Brawner Jr. bilang susunod na AFP Chief ay lilikha ng “upward movement” sa mga opisyal ng militar.
Sinabi ni Teodoro na naramdaman ng Pangulo na napapanahon na magkaroon ng mga pagbabago sa hanay ng militar kasabay ng pag-transition ng AFP mula sa Internal Security sa external Defense.
Paliwanag ni Teodoro, mahalaga sa Pangulo ang isyu sa West Philippine Sea kaya niya napili si outgoing AFP Chief Gen. Andres Centino na maging Presidential Adviser for the West Philippine Sea.
Tiniyak naman ni Teodoro na magiging “seamless” ang mga pagbabago na mangyayari sa hanay ng militar. | ulat ni Leo Sarne