Tinututukan ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro ang paglikha ng Retirement Trust Fund para sa pensyon ng mga sundalo.
Bahagi ito ng mga tinatalakay na reporma sa Military and Uniformed Personnel (MUP) pension scheme.
Ayon sa kalihim, kailangang masiguro na mayroong trust fund na maayos na pinamamahalaan at may independensya tulad ng Government Service Insurance System (GSIS) na mamamahala sa retirement contributions ng mga MUP, bago pa man pag-usapan kung magkano ang magiging kontribusyon ng mga ito.
Pangako naman ng kalihim na sa isinusulong ng Kagawaran na reporma sa MUP pension ay magiging abot-kaya ang kontribusyon ng mga miyembro ng militar.
Tiniyak pa ng kalihim na walang magbabago sa tinatanggap na pensyon ng mga retiree.
Paliwanag ng Kalihim, ang pagbibigay ng kontribusyon para masustinihan ang retirement trust fund, ay maganda ring ehersisyo sa “financial literacy” at “financial culture” sa mga batang opisyal at sundalo, para turuan silang mag-ambag para sa kanilang kinabukasan.
Sa ngayon aniya double-time ang kagawaran sa pag-liquidate ng mga ari-arian ng dating Retirement and Separation Benefits System (RSBS) para magamit bilang inisyal na pondo ng bubuuing retirement trust Fund. | ulat ni Leo Sarne