Nanawagan ang Bureau of Immigration o BI sa mga law enforcement agency na paigtingin pa ang pagpapatupad ng seguridad sa harap na rin ng pinaigting na kampaniya kontra human trafficking.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, kapansin-pansing madalas na ibinibigay sa mga biktima ng human trafficking ang kanilang mga pinekeng dokumento sa loob mismo ng paliparan.
Dahil dito, iminungkahi ng Immigration Chief na kailangang patatagin pa ang pagpapakalat ng mga undercover police upang matukoy at agad masakote ang mga nasa likod ng human trafficking.
Magugunitang isang Pilipina na naman na biktima ng human trafficking ang naharang sa NAIA Terminal 1 matapos magpanggap na pupunta ng Singapore subalit nadiskubreng na-recruit para magtrabaho sa Dubai.
Kasunod nito, sinabi ni Tansingco na inalerto na nila ang Inter-Agency Council Against Trafficking o IACAT sa paulit-ulit na modus na ito upang agad makapagsampa ng kaukulang kaso laban sa mga nasa likod nito. | ulat ni Jaymark Dagala