Kinalampag ni Cagayan de Oro Representative Rufus Rodriguez ang House Committee on Local Government na talakayin na ang panukalang magpapalawig ng limang taon sa termino ng Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) officials.
Ayon kay Rodriguez Pebrero pa niya inihain ang House Bill 7123 ngunit hindi pa rin nadidinig sa Komite.
Napapanahon aniya ang amyendan ito dahil kung pagbabasehan ang desisyon ng Korte Suprema na nagbabasura sa RA 11935, ang mga mananalo sa Oktubre 30, 2023 BSK Elections ay mauupo lamang ng dalawang taon o hanggang 2025.
“Let’s give all of those to be voted this year and succeeding elections a uniform term of office of five years, instead of those to be voted in October having a two-year tenure and those to be elected in 2025 enjoying three years,” sabi ni Rodriguez.
Batay sa panukala, aamyendahan ang Section 43 ng Local Government Code kung saan mula tatlong taon at magiging limang taon na ang termino ng BSK officials.
Mananatili pa rin naman ang term limit.
Ibig sabihin, maaari lamang umupo ng hanggang tatlong sunod na termino ang opisyal. | ulat ni Kathleen Jean Forbes