Nababahala na rin ang bagong ACT-CIS Party List Rep. Erwin Tulfo sa patuloy na pagpapapirma sa mga myembro ng media sa mga drug operations ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP).
Sa Balitaan sa Maynila, sinabi ni Cong. Tulfo, panahon na para aprubahan ang Magna Carta for Media na nagbibigay ng proteksyon sa mga myembro ng media.
Nais ng dating DSWD Secretary, ipaubaya na lamang sa mga kinatawan ng Barangay ang pagpirma sa mga drug operations at huwag ng isama ang mga mamamahayag.
Ayaw na niyang masundan pa ang tangkang pagpatay sa Remate Photojournalist na si Joshua Abiad na tinambangan noong nakaraang buwan sa Masambong Quezon City.
Sa inisyal na imbestigasyon, may kinalaman sa trabaho ang pagtatangka kay Abiad dahil madalas daw itong ginagawang testigo ng mga pulis at pinapipirma sa mga drug operations. | ulat ni Michael Rogas