Kinondena ng National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang hayagang pagtalikod ng CPP-NPA-NDF sa amnestiyang inalok ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA).
Sa isang statement, sinabi ni NTF-ELCAC Executive Director Undersecretary Ernesto Torres Jr. na ang alok na amnestiya ng Pangulo ay isang sinsero at marangal na hakbang tungo sa pangmatagalang kapayapaan at rekonsilyasyon.
Pero sa halip aniya na tanggapin ito ng CPP-NPA-NDF, tinalikuran nila ang tsansa para sa kapayapaan at mas ginustong ipagpatuloy ang paghahasik ng karahasan.
Ayon kay Usec. Torres, patunay lang ito na hindi sinsero ang CPP-NPA-NDF sa paghahangad ng kapayapaan at pagpapakita ng kanilang tunay na intensyon na taliwas sa kabutihan ng bayan.
Sa gitna nito, nanawagan si Usec. Torres sa sambayanan na patuloy na itakwil ang karahasan at extremism, at magkaisa sa pagkamit ng kapayapaan at kaunlaran. | ulat ni Leo Sarne