Ipinaalala ni Senador Loren Legarda na seryoso ang epekto ng El Niño sa bansa at nagangailangan ng agaran at desididong aksyon.
Ipinaliwanag ni Legarda, na malaki ang epekto ng tagtuyot sa food security, ekonomiya at maging sa pangkalahatang kapakanan ng mga mamamayan.
Dapat aniyang magpatupad ng mga hakbang ang gobyerno para mabawasan ang epekto nito; pangunahan ang promosyon ng climate-resilient practices; tiyakin ang pantay-pantay na alokasyon ng resources; at magkaroon ng regional at international collaboration para agad maresolba ang mga problemang dulot nito.
Idinagdag rin ng mambabatas, na kailangan ring magtulungan ang gobyerno at pribadong sektor sa pagharap sa negatibong epekto ng El Niño; at kailangang bigyang prayoridad ang water supply at food security.
Bukod pa sa pagtitiyak ng pagpapatupad ng adaptation program, para mabawasan ang epekto nito sa mga magsasaka at mangingisda na kadalasang tinatamaan ng problema sa klima. | ulat ni Nimfa Asuncion