Kasabay ng pagdiriwang ng National MSMEs Week, muling itinutulak ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang pagbibigay ng tulong pinansiyal sa Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) para mapalakas ang kanilang pakikipagkumpetensiya at manatiling ‘backbone’ ng ekonomiya ng bansa.
Giit ng majority leader, maraming MSMEs ang may abilidad pero walang access sa malaking puhunan para mapalago ito.
Binigyang diin ni Villanueva na anumang tulong para sa MSMEs ay may potensyal na magdala ng doble o higit na benepisyo para sa ekonomiya ng bansa.
Kaugnay nito, una nang inihain ng mambabatas ang MSME stimulus bill (Senate Bill 138) na layong bumuo ng isang stimulus contingency fund na maaaring gamitin para sa mga job-generating industry na naapektuhan ng sakuna, public health emergency, armed conflict at iba pang emergency situation.
Minamandato rin ng panukala ang Department of Finance (DOF) sa pamamagitan ng Social Security System (SSS) na magbigay ng wage subsidies para mapunan ang lahat o bahagi ng sahod ng kuwalipikadong MSMEs na naapektuhan ng emergencies, basta’t sumunod sila sa mga kondisyon na nasa batas.
Maliban sa MSME Stimulus Act, naghain din si Villanueva ng iba pang mga panukala na magbibigay suporta para sa MSMEs. | ulat ni Nimfa Asuncion