Target ng Department of Social Welfare and Development na mabigyan ng tulong pinansiyal ang 5,770 pamilya mula sa iba’t ibang Mayon-affected areas hanggang bukas, Hulyo 16.
Ang bawat pamilya ay pinagkakalooban ng P12,330 sa ilalim ng emergency cash transfer (ECT) program ng DSWD.
Asahang makatatanggap ng benepisyo ang mga pamilya mula sa munisipalidad ng Ligao, Guinobatan, Daraga, Camalig, Santo Domingo, Malilipot at lungsod ng Tabaco.
Sa ulat ni DSWD-Bicol Regional Director Norman Laurio, pinasimulan na kahapon ang distribusyon ng financial assistance sa Ligao at Guinobatan.
Sa kabuuang 951 pamilyang target beneficiaries, nasa 852 pamilya na ang nabigyan ng tulong pinansiyal. | ulat ni Rey Ferrer