Ikinalugod ni 1-Rider Partylist First Representative Rodge Gutierrez ang pagtutok ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa sektor ng transportasyon matapos mabanggit sa kanyang State of the Nation Address (SONA) ang reporma sa Motor Vehicle Users’ Charge o MVUC .
Para sa mambabatas, panahon nang maisaayos ang sistema ng MVUC partikular sa paggamit ng pondo nito.
Una nang pinuna ni Gutierrez ang kakulangan ng alokasyon ng kinokolektang buwis mula sa MVUC, at ang budget cuts sa Special Road Fund, Libreng Sakay program, fuel subsidy, at bike lanes sa budget deliberations noong nakaraang taon.
Nitong nakaraang Martes, July 25, ay lumusot na sa Ways and Means Committee ang panukala para itaas ang MVUC o buwis na sinisingil sa mga nagpaparehistro ng sasakyan.
Sa naturang panukala 45 percent ng kita ay ilalaan sa PUV modernization program at 5 percent ay para sa road crash prevention programs.
“Ang ating pakiusap ay maging mas angkop sana ang paggamit ng pondo, at tiyaking ang bawat programa ay tunay na magbubunga ng mas maraming benepisyo sa lahat, kabilang dito ang pagpapabuti sa kalagayan ng ating mga kalsada, pagpapatupad ng road safety measures, at pagpapagaan ng daloy ng trapiko,” ani pa ni Gutierrez. | ulat ni Kathleen Jean Forbes