Nakikita ni Senate Deputy Minority Leader Senador Risa Hontiveros na may tiyansa nang makapasa sa Senado ang panukalang ₱150 legislated wage hike sa suporta ni Senate President Juan Miguel Zubiri.
Ayon kay Hontiveros, dahil mismong ang Senate leader ang nagtataguyod ng panukala ay posibleng maipasa na ito ng Mataas na Kapulungan.
Ipinunto pa ng senador na kahit sabihing tutol sa panukala ang economic team ng administrasyon ay hindi naman maikakailang ang lumalaking suporta sa legislated wage hike bill ang nagtulak sa National Capital Region (NCR) Wage Board na kumilos at aprubahan ang ₱40 na dagdag sa daily minimum wage ng mga taga-Metro Manila.
Ang hakbang rin aniyang ito ay maaaring makapagsimula ng trend sa iba pang mga regional wage boards na kumilos at itaas rin ang arawang sahod ng mga manggagawa sa iba pang mga rehiyon sa Pilipinas.
Maliban sa wage hike, ipinanawagan rin ni Hontiveros ang pagsisimula ng talakayan sa reporma sa wage setting sa bansa. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion