Nakatakda na sa susunod na linggo ang pagpirma ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa dalawang mahalagang panukalang batas na naipasa ng Kongreso.
Ito ang Maharlika Investment Fund Bill at ang 2-year extension ng estate tax amnesty.
Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, sa Martes, July 18 ay sabay na lalagdaan ni Pangulong Marcos Jr. ang dalawang bills na ito para tuluyan nang maging mga batas.
Dadalo aniya sa gagawing lagdaan si Senate President Zubiri at iba pang mga senador.
Kaugnay nito, inaasahang mapapasama ang MIF bill at ang estate tax amnesty sa mga babanggitin ni Pangulong Marcos Jr. sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) sa July 24. | ulat ni Nimfa Asuncion