Inihayag ni Finance Secretary Benjamin Diokno sa isinagawang ‘post SONA discussion’, na maipapasa ang panukalang reporma sa pension system ng retired military and uniformed personnel (MUP) bago matapos ang taong 2023.
Ayon sa kalihim, humaharap ngayon ang administrasyong Marcos Jr. sa napakahalagang tungkulin upang maiayos ang pension ng mga MUP.
Paliwanag ng kalihim, ang reporma ay upang magkaroon ng fiscal space ang bansa sa taunang budget dahil sa ngayon fully-funded ng national government ang pension ng MUPs.
Sa katunayan aniya, ngayong darating na 2024 umaabot sa P300 billion ang inilaan para lamang sa pension ng retirees; kung mabigo aniyang maipatupad ang reporma, tinatayang aabot sa P1 trillion mark ang pension na dapat bunuin ng gobyerno sa taong 2035.
Muling iginiit ng kalihim, na ito ay para sa kabutihan ng lahat upang maging sustainable sa hinaharap ang sistema at maiwasan ang fiscal collapse.
Kabilang ang MUP pension reform sa natalakay ng Pangulo sa kanyang pangalawang SONA, at kabilang ito sa pangunahing prayoridad ng administrasyon Marcos Jr. sa kanyang legislative agenda. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes