Nilagdaan ni Parañaque City Mayor Eric Olivarez ang City Ordinance No. 16, s. 2023 na nadedekara sa Lunes ng bawat linggo bilang “Fruits or Vegetables Day” sa lahat ng pampublikong paaralan at daycare centers sa lungsod.
Layon nito na isulong ang pagkakaroon ng magandang kalusugan ng bawat bata.
Ayon sa principal author ng nasabing ordinansa na si Parañaque Second District Councilor Maria Kristine Esplana, kailangang mayroong gulay o prutas ang meryenda o pagkain tuwing sasapit ang recess ng mga mag-aaral sa mga daycare center, mga elementary, at high school ng 16 na barangay ng lungsod tuwing araw ng Lunes.
Nakasaad din sa ordinansa na makatutulong ang regular na pagkain ng gulay at prutas sa mas magandang nutrisyon, mas mahusay na performance ng mga estudyante sa klase, at mas malakas na pangangatawan upang maiwasang magkasakit at lumiban sa klase.
Para naman sa alkalde, ang pagpapatupad ng ordinansang ito ay bahagi ng adhikain ng pamahalaang lungsod na matiyak na malusog at maganda ang pangangatawan ng bawat bata.
Sinabi nito nagpahayag din ng suporta ang labing-anim na barangay ng lungsod sa programang ito bukod pa sa mga regular na pagbibigay ng mga bitamina, deworming tablets at supplemental feeding sa pakikipag-koordinasyon sa mga barangay.
Pinasalamatan din ni Olivarez ang Sangguniang Panlungsod sa pamumuno ni Vice Mayor Joan Villafuerte sa pagpapasa ng “Fruits or Vegetable Day Ordinance.” | ulat ni Gab Humilde Villegas