Ligtas na nailikas ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga pasahero ng passenger vessel na naaksidente sa karagatan ng Barangay Nasunugan, Banton, Romblon kaninang ala-1:00 ng madaling araw.
Sa inisyal na ulat ng PCG, habang naglalayag ang MV Maria Helena, may 100 metro ang layo mula sa shoreline ng Barangay Nasunugan, sumabog ang gulong ng isa sa rolling cargoes na lulan nito na nakaapekto sa barko.
Ayon kay Captain Elmo Sumocol, sakay ng RoRo/passenger vessel ng Montenegro Shipping Lines Inc. ang 50 pasahero, 32 dito ang crew members kabilang ang kapitan ng barko at 16 rolling cargoes.
Bandang alas-3:00 ng madaling araw nang magsimulang bumaba ang mga pasahero sa barko gamit ang lifeboat nito.
Sa tulong ng PCG team at local passenger boats, ligtas na naibaba ang mga pasahero.
Dinala sila sa Barangay Nasunugan Covered Court at sinuri ang kanilang kondisyon at para sa karagdagang tulong. | ulat ni Rey Ferrer