Mahigpit pa ring naka-monitor ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa lagay ng Bulkang Mayon na patuloy pa rin ang lava flow at pulse tremor.
Batay sa 24-hour monitoring ng PHIVOLCS, on-going pa rin ang pulse tremor sa Mayon Volcano na naobserbahan simula pa noong July 3.
Maaaring dulot aniya ito ng pag-akyat ng fluid gas sa magma chamber.
Kaugnay nito, nagpapatuloy rin ang lava flow sa bunganga ng bulkan na umabot sa 2.8 kilometers sa Mi-isi Gully at 1.3 kilometers sa Bonga Gully.
Umakyat naman sa 243 ang naitalang rockfall events sa bulkan.
Bukod dito, na-monitor din ang pitong dome collapse pyroclastic density current events at dalawang lava front collapse pyroclastic density current events.
Sa ngayon ay nananatili pa rin sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon. | ulat ni Merry Ann Bastasa