Isang panukala ang isinusulong ngayon sa Kamra para bumuo ng hiwalay na social at pension system para sa mga overseas Filipino worker (OFW).
Ang House Bill 8574 o Kabayan OFW Pension Act ni KABAYAN Party-list Representative Ron Salo ay nabuo dahil na rin sa pakikipagdiyalogo sa mga OFW sa iba’t ibang panig ng mundo.
Aniya, bagamat voluntary paying members ng Social Security System (SSS) ang mga OFW ay hindi umano akma o sapat ang nakukuha nilang benepisyo at pension mula dito.
Nakapaloob sa panukala na ang naturang pension at social system ang bubuo sa guidelines para sa retirement benefits, monthly pension, death benefits, permanent disability benefits at funeral benefits ng OFW.
Punto ng kinatawan, nararapat lamang ang sariling social at pension system para sa mga OFW na malaki ang sakripisyo sa pagtatrabaho sa ibang bansa at ambag sa ating ekonomiya. | ulat ni Kathleen Forbes