Isinagawa na ang groundbreaking ng ikinokonsidera na pinakaunang waste-to-energy facility sa bansa sa lungsod ng Danao, sakop ng lalawigan ng Cebu.
Pinangunahan ng Danao City officials sa pamamagitan ni Mayor Thomas Durano ang groundbreaking sa itatayong Ultramodern Solid Waste Management and Disposal Plant sa barangay Dunggoan sa nasabing lungsod.
Nakipagtulongan ang city government sa Integrated Green Technology (IGT) at IGT SPV1 Holding Inc. para sa proyektong ito.
Walang gagastusin ang lokal na pamahalaan ng lungsod sa pagpapatayo ng pasilidad na kayang makapag-generate ng nasa 12 hanggang 30 megawatts na kuryente bawat araw at makapag-proseso ng nasa 600 hanggang 1,200 tonelada ng mixed waste bawat araw.
Gagamit ito ng teknolohiya mula Germany at ang Pilipinas ang kinokonsidera na ika-24 na bansa kung saan maitatag itong waste-to-energy facility.
Nasa hindi bababa sa 300 mga residente mula sa lungsod ang tinatayang magkakaroon ng trabaho mula sa proyektong ito.
Ang IGT at mga foreign partners nito ay naglaan ng nasa $600 milyon.
Layon pa nitong makapagpatayo ng mga pasilidad na gaya nito sa Camarines Norte, Pangasinan, Bulacan, Davao del Norte at Quezon.| ulat ni Carmel Matus| RP1 Cebu