Hindi sinang-ayunan ni Senador Raffy Tulfo ang plano ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na patawan na ng buwis ang mga chichirya sa susunod na taon.
Para kay Tulfo, anti-poor ang nasabing plano dahil ang mga chichirya ay ang abot-kayang merienda ng mga mahihirap at minsan pa aniya ay ginagawang ulam ng mga kababayan nating nasa poorest of the poor.
giit ng senador, kung layong makalikom ng dagdag na kita para sa kaban ng bayan ay ang dapat punteryahin ay ang mga luxury items gaya ng mga food supplements, protein bars, energy bars, slimming drinks, pati na ang mga cosmetic products.
Aniya, ang mga food supplements at cosmetic products ay mga multi-billion pesos industry kaya naman makatitiyak ang BIR na bilyones din ang malilikom na buwis mula dito.
Pagdating naman sa pagsang-ayon ng Department of Health (DOH) sa plano dahil anila sa high sodium contents ng mga chichirya na pwedeng maging sanhi ng diabetes at obesity, sinabi ng mambabatas na dapat ay kausapin na lang ang mga manufacturer na babaan ang paghalo ng sodium sa kanilang mga produkto.
Gaya aniya sa Singapore na nakahanap ng low sodium substitute ang mga manufacturers para sa ilan nilang mga processed food product doon. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion