Isasagawa ngayong araw ang plebisito upang ratipikahan ang conversion ng bayan ng Carmona, Cavite bilang isang component city.
Ang plebisito ay isasagawa sa sampung voting centers na may 116 clustered precints mula ngayong alas-7:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon.
Hinihikayat naman ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia ang mga rehistradong botante sa nasabing bayan na lumahok sa nasabing plebisito.
Mayroong 58,691 na mga rehistradong botante mula sa 14 na barangay sa Carmona.
Nitong Pebrero ay pinirmahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang Republic Act 11938 na nagko-convert sa bayan ng Carmona bilang isang component city.
Sa oras na maratipikahan ang pagiging lungsod ng Carmona, magiging walo na ang lungsod sa lalawigan ng Cavite. Ang iba pang mga lungsod sa Cavite ay ang Cavite City, Trece Martires, Tagaytay, Dasmarinas, Bacoor, Imus, at General Trias. | ulat ni Gab Villegas