Ipinagmalaki ng Philippine National Police (PNP) na gagamitin nilang pamantayan sa mga susunod na State of the Nation Address (SONA) ang naging latag ng kanilang seguridad kahapon.
Ito ang inihayag ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director, Police Brigadier General Jose Melencio Nartatez Jr. makaraang ideklara nito kahapon na naging mapayapa sa pangkalahatan ang idinaos na SONA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon kay Nartatez, batay sa kanilang monitoring ay walang nasaktan sa mga ikinasang kilos protesta mula sa hanay ng mga pro at anti administration gayundin ay naging mapayapa naman ang kanilang pagsasagawa ng programa.
Kasunod nito, dumipensa naman si Nartatez sa pahayag ng isa sa mga raliyista na umano’y nabastusan sa tila pagbi-videoke ng mga pulis sa halip na pakinggan ang hinaing ng mga kabataan sa Timog Katagalugan.
Pero sagot ng NCRPO chief, totoong naglatag sila ng mga banda at mang-aawit dahil ang layunin nito’y aliwin ang mga pulis na naka-deploy na mula pa noong weekend at hindi para tapatan ang kilos protesta ng mga militante. | ulat ni Jaymark Dagala