Sinampahan na ng kasong kriminal ng Philippine National Police (PNP) ang limang foreign national na sangkot sa human trafficking sa bansa.
May kaugnayan ito sa isinagawang pagsalakay ng mga operasyon ng PNP sa ilang establisamiyento sa Las Piñas City na sinasabing tinutuluyan ng Philippine Offshore Gaming Operators.
Kabilang sa mga kinasuhan sa Department of Justice (DOJ) ay ang mga Chinese National na sina Li Jiacheng, Xiao Liu, Yan Jiayong, Duan Haozhuan at LP Hongkun.
Kinasuhan ang mga ito dahil sa paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012.
Samantala, sinabi ni PNP Chief Information Officer Brig. Gen. Redrico Maranan na nag-deploy pa ang PNP ng 299 pulis mula sa Anti-Cybercrime Group at NCRPO para ipatupad ang search warrants laban sa Xinhuang Network Technologies sa Las Piñas City .
Sabay ng paglilinaw nito na lehitimo ang ginawang operasyon ng PNP dahil may basbas aniya ito ng hukuman
Tugon ito ng opisyal sa alegasyon na may paglabag sa karapatang pantao ang ginawang pagsalakay noong Hunyo 27 na nagresulta sa pag rescue sa higit 2,700 POGO workers, 1,500 dito ay mga Filipino at ang iba ay mga dayuhan.| ulat ni Rey Ferrer