Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na wala silang namamataang anumang banta sa seguridad sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Hulyo 24.
Ito ang inihayag mismo ni PNP Chief, P/Gen. Benjamin Acorda Jr kasunod ng nagpapatuloy na threat assessment ng National Capital Region Police Office (NCRPO) hinggil sa okasyon.
Aniya, patuloy naman ang ginagawang pagbabantay ng Pulisya hinggil sa mga pangyayaring posibleng maganap sa ikalawang SONA ng pangulo upang masigurong ligtas at mapayapa itong maidaraos.
Sa katunayan aniya, tuloy-tuloy din ang ginagawa nilang pangangalap ng intelligence reports at sa kasalukuyan ay nananatili aniyang walang banta silang natatanggap.
Mananatili naman sa mahigit 22 libong pulis na kanilang ipakakalat sa Metro Manila buhat sa NCRPO Regional Headquarters gayundin sa 5 District Offices nito.
Katuwang din ng PNP ang iba’t ibang Law Enforcement Agencies tulad ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Philippine Coast Guard (PCG) at MMDA bilang force multipliers.| ulat ni Jaymark Dagala