Pinaalalahanan ng Quezon City government ang mga raliyista na sumunod sa mga batas at regulasyon sa kanilang aktibidad sa Lunes.
Ginawa ni Mayor Joy Belmonte ang apela matapos payagan ang parehong pro at anti-administration rallies sa ikalawang SONA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon sa alkalde, lahat ng pro-administration groups ay magdadaos ng kanilang rally sa Commonwealth Avenue malapit sa Commission on Audit.
Habang ang mga magpro-protesta naman ay pinayagang makapag-programa sa kahabaan ng Commonwealth Avenue malapit sa Tandang Sora overpass.
Tiniyak ng alkalde na may 800 enforcers ang ikakalat ng QC Transport and Traffic Management Department sa apektadong lugar sa ilalim ng Law and Order Cluster nito.
Habang may 375 na tauhan ang Department of Public Order and Safety ang magiging katuwang ng QCPD sa pagmantine ng seguridad at kaayusan sa paligid.
Sa panig ng Quezon City Police District, aabot sa 6,123 uniformed officers ang idedeploy din sa Commonwealth Avenue at Batasan Complex. | ulat ni Rey Ferrer