Handang-handa na rin ang Quick Response Teams ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para magsagawa ng mga emergency repairs at clearing operations sa mga kalsada o highway na naapektuhan ng super bagyong Egay sa Luzon.
Ayon kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, 13 mga lugar ang kanilang natukoy na sarado partikular na sa Cordillera Administrative Region dahil sa mga namataang pagguho ng lupa, nagtumbahang mga puno at pagragasa ng putik.
Kabilang na rito ani Bonoan ang bahagi ng Abra-Ilocos Norte Road, Abra-Ilocos Sur Road, Abra-Kalinga Road, Camp 6 ng Kennon Road, at Shilan Beckel Road sa La Trinidad Valley, Benguet.
Gayundin sa Apayao-Ilocos Norte sa Madduang, Kabugao; Claveria-Calanans-Kabugao Road sa Makadig Sec, Rabaw section, ilang bahagi ng Naguillan Road at Ferdinand, Calanasan sa Apayao.
Samantala, hindi rin madaanan ang ilang kalsada sa Mt. Province partikular na sa Mt. Province – Calanan – Pinukpuk – Abbut Road sa Mallango gayundin sa Tinglayan at Lubuagan – Batong Buhay – Abra boundery Road sa Puapo, Dangtalan, Pasil.
Maging ang ilang bahagi ng Baguio – Bontoc Road, Mt. Province – Nueva Vizcaya Road, Mt. Province – Ilocos Sur Road at Mt. Province – Cagayan via Tabuk – Enrile Road. | ulat ni Jaymark Dagala