Minungkahi ni Senadora Risa Hontiveros na sabayan ng murang pabahay at agricultural value chain ang expansion ng railway system ng Pilipinas.
Giit ni Hontiveros, hindi lang problema sa transportasyon ang maaaring matugunan ng railway projects kundi oportunidad rin ito para makapagpatayo ng abot-kayang pabahay at maging tulay sa pagitan ng mga magsasaka at pamilihan sa siyudad.
Ginawa ng senadora ang pahayag matapos ang ceremonial signing ng 50 billion pesos contract para sa North-South Commuter Railway.
Pinahayag ng mambabatas na dapat samantalahin ng adminsitrasyon ang pagkakataon na mapalawak ang market access ng mga magsasaka, na magreresulta sa pagtaas ng demand para sa mga produktong pang-agrikultura at malaking kita para sa mga lokal na magsasaka.
Hinikayat rin ni Hontiveros ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na iprayoridad ang socialized housing programs bago ang mga private property developer sa paglalaanan ng lupa sa paligid ng itatayong train stations. | ulat ni Nimfa Asuncion