Binigyang diin ni Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez ang kahalagahan ng pagpapalakas sa mga rehiyon at lokalidad upang makamit ng bansa ang pagiging disaster resilient.
Ang pahayag ng mambabatas ay bilang pakikiisa sa obserbasyon ng National Disaster Resilience Month ngayong taon.
Aniya, hindi na bago sa Pilipinas ang makaranas at humarap sa iba’t ibang uri ng kalamidad.
Kaya naman mahalaga aniya na bigyang kapangyarihan at patatagin ang bawat rehiyon, kasama na ang pagbibigay ng sapat na resources upang kanilang matugunan ang kalamidad na kanilang kahaharapin.
“Ang suggestion ko, reporma para we empower the regions including their own local governments and provide them with enough resources and decision-making capacities. In that case, mas mabibigyan ng kalayaan at kapangyarihan ang bawat rehiyon at probinsya na maghatid ng mabilis na tulong at agarang pagresponde sa mga nasunugan, nabahaan, o nasalanta ng sakuna”, saad ni Alvarez.
Dahil dito, humirit ang kongresista na bigyan ng tiyansa ang panukalang pederalismo para maisakatuparan ito.
“Had we shifted to federalism, these lingering problems of slow and inefficient response during disasters was surely prevented. I hope our current political leaders get enlightened and hear the clamor of the people for changes,” dagdag ng mambabatas. | ulat ni Kathleen Jean Forbes