Naghain ng panukala si Davao City Representative Paolo Duterte at dalawang iba pang kongresista upang matigil na ang ginagawang pagbabanta at pamamahiya ng lending companies sa kanilang paniningil sa mga umutang.
Dismayado ang mambabatas na sa kabilang ng kampanya ng gobyerno laban sa mga pasaway na lending company ay marami pa rin ang nabibiktima nito.
Katunayan, may mga lending company pa rin na may online applications.
Kahit din marami nang registration ng lending company ang kinansela ng Securities and Exchange Commission (SEC) ay nadaragdagan naman ang mga iligal na nag-ooperate.
“More victims have continued to come out to report being harassed, shamed, threatened, and forced to pay usurious interest charges. Both the Executive and Congress need to act fast to put an end to these inhumane debt collection practices,” saad ni Duterte.
Sa ilalim ng House Bill 6681 o Fair Debt Collection Practices Act, ay mahigpit na ipagbabawal ang pagbabanta, pamamahiya, at kahalintulad na hakbang para makapaningil sa mga umutang na hindi pa nakakabayad.
Ipagbabawal din ang pagpapataw ng mga karagdagang singilin gaya ng incidental fees at dagdag na interes sa mga umutang, maliban na lamang kung ito ay tahasang nakasaad sa kasunduan.
“Our laws need to catch up with technology, which while providing ease and convenience to consumers, have also given rise to abusive practices that have ruined not only the reputations, but also the lives of their victims,” dagdag ng kinatawan. | ulat ni Kathleen Jean Forbes