Magsasagawa ng caucus ang Senado sa Lunes tungkol sa inihaing resolusyon na naghihikayat sa pamahalaan na iakyat sa United Nations General Assembly (UNGA) ang aksyon ng China sa West Philippine Sea (Senate Resolution 659).
Sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na iimbitahan nila sa gagawing caucus sina Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, National Intelligence Coordinating Agency (NICA) Chief Ricardo de Leon, at Presidential Adviser on West Philippine Sea General Andres Centino.
Ito ang napagkasunduan sa plenaryo ng Senado kahapon matapos maudlot ang pag-apruba sa resolusyon dahil sa pagkwestiyon ni Senador Alan Peter Cayetano.
Tanong kasi ni Cayetano kung ang UNGA ba ang tamang forum para makakuha ng hustisya sa aksyon ng China laban sa pwersa ng Pilipinas sa WPS.
Giit ng senador, nais lang niyang maging maingat ang Senado sa gagawin nitong aksyon at makakuha ng tamang impormasyon sa isyu.
At para maresolba ng maayos ang mga concern sa resolusyon ay magkakaroon ng close door meeting at consultation ang Senado kasama ang mga nabanggit na opisyal ng ehekutibo. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion