Nag-alok na ng P200,000 ang Sariaya Local Government Unit at Quezon Provincial Government sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ng taong pumatay sa isang Brgy. Chairman ng San Roque, Sariaya, Quezon.
Sa panig ng pulisya, nagpapatuloy pa ang paghahanap ng binuong tracker team ng Quezon Police Provincial Office para mahuli ang suspek na si Marvin Fajarda Flores.
Sinabi ni Quezon Police Provincial Office Provincial Director PCol. Ledon Monte, binaril ni Flores si Barangay Chairman Benedicto Alcaide Robo ng Brgy. Guis-Guis San Roque sa Sariaya.
Base sa imbestigasyon ng Sariaya Municipal Police Station, sinaway lang umano ni Chairman Robo ang suspek dahil sa pagiging pasaway nito.
Nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa kaya’t umiwas na lang ang Chairman at umuwi pero sinundan pala ito ng suspek at binaril.
Dinala pa sa ospital sa Lucena si Robo subalit binawian din ng buhay, habang tumakas naman ang salarin at hindi na matagpuan. | ulat ni Rey Ferrer