Walang nakikitang pagbabago si Senador Cynthia Villar sa magiging liderato ng Mataas na Kapulungan ngayong papalapit na ang pagbubukas ng 2nd regular session ng Senado.
Sa Lunes ng umaga, bago ang ikalawang state of the nation address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay magbubukas ang sesyon ng Senado.
Sa pagbubukas ng sesyon, may pagkakataon ang mga senador na baguhin ang liderato o maaari rin namang panatilihin na lang ang mga kasalukuyang leadership.
Ayon kay Senador Villar, sa ngayon ay wala naman siyang naririnig na pagpaplanong palitan ang mga kasalukuyang line up ng Senate leaders.
Iginiit rin ni Villar, na mahirap at nakakaubos ng oras ang pagpapalit ng liderato.
Kakain na naman kasi aniya ng oras ang change of leadership, gayong maraming kailangang gawin ang senado na mas dapat pagbuhusan ng oras.
Ipinahayag rin ni Villar, na kontento siya sa pamumuno ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso at wala siyang reklamo. | ulat ni Nimfa Asuncion