Hindi na ikagugulat ni Senate Committee on National Defense Chairperson Senador Jinggoy Estrada kung magdedesisyon ang Movie, Television Review and Classification Board (MTRCB) na i-ban ang pagpapalabas ng pelikulang Barbie sa Pilipinas.
Ito ay dahil sa isang eksena sa nasabing pelikula kung saan pinapakita ang nine-dash line claim ng China sa South China Sea.
Ayon kay Estrada, hindi ito ang unang pagkakataon na may kahalintulad na kaso ng pag-ban sa bansa ng mga pelikula dahil sa naturang isyu gaya na lang ng nangyari sa pelikulang “Uncharted” at “Abominable”.
Giit ng senador, bagamat work of fiction lang ang pelikula ay napakasensitibong isyu naman nito.
Taliwas aniya ito sa ating national interest at walang historic rights ang China sa karagatang nakapaloob sa sinasabi nilang sakop ng nine-dash line.
Binigyang diin ng mambabatas na kinatigan na ng Arbitral Tribunal noong 2016 na walang legal na basehan ang claim ng China.
Sinabi ni Estrada na matagal nang ipinaglalaban ito ng Pilipinas at dapat lang tayong manindigan sa mga usapin na may kinalaman aa soberanya ng ating bansa.
Kaya naman umaasa ang senador na aaksyunan sa lalong madaling panahon ng MTRCB ang naturang isyu. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion