Kung si Senador Grace Poe ang tatanungin, mas mainam kung maisama sa priority bills ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) ang panukalang pagtatatag ng Department of Water Resources.
Ipinunto ng Senate Committee on Public Services Chairperson na kung magiging priority bill ito ay hindi malayong maging ganap na batas ito sa loob ng taong ito.
Naniniwala ang senador na may clamor para sa pagtatatag ng isang hiwalay na ahensya, para sa pangangasiwa ng suplay ng tubig lalo na sa gitna ng krisis sa suplay ng tubig na nararanasan ngayon.
Sa ngayon ay hindi aniya nakasama ang naturang panukala sa priority bills, dahil ipinag-utos pa lang ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagsasagawa ng pag-aaral para dito.
Sakaling maisabatas, mapagsasama-sama sa ilalim ng iisang ahensya ang nasa 30 kagawaran o opisina ng gobyerno na may kinalaman sa pagpapatakbo ng suplay ng tubig. Ipinagpasalamat naman ni Poe ang inilabas na Executive Order 22, ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na naglalagay sa water management office sa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Natural resources (DENR). | ulat ni Nimfa Asuncion