Kinokonsidera na ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang pagsasagawa ng imbestigasyon tungkol sa motorbanca ng tumaob sa Laguna Lake at ikinasawi ng higit 20 katao.
Partikular na sisilipin ng Senado ang pagpapahintulot ng Philippine Coast Guard na maglayag ang motorbanca ilang oras matapos lumabas sa Philippine Area of Responsibiliity (PAR) ang bagyong Egay.
Sinabi ni Minority Leader Koko Pimentel na masyadong maagaa ang pag-aalis ng PCG ng “No sailing order.”
Giit ni Pimentel, kahit pa nakalabas na ng bansa ang bagyo ay ramdam pa rin ang bugso ng malakas na hangin at tuloy-tuloy pa rin ang pagbuhos ng malakas na ulan.
Mahalaga aniyang maimbestigahan ng Mataas na Kapulungan ang pangyayari dahil ang dami ng mga nasawi sa bagyong Egay ay halos mula sa nangyaring insidente.
Kasabay naman nito ay hiniling ng mambabatas na ipagdasal din ang mga tauhan ng PCG na nagbuwis ng buhay at nagpamalas ng katapangan para matulungan ang ating mga kababayang ma-i-rescue sa gitna ng kalamidad. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion