Iginiit ni Senate President Juan Miguel Zubiri na dapat nang i-report ng Pilipinas sa United Nations (UN) ang paulit-ulit na paglabag ng China sa 2016 The Hague Arbitral Ruling sa West Philippine Sea.
Ayon kay Zubiri, dapat ipresenta ng Pilipinas ang mga video at larawan na ebidensya ng unti-unting pagsalakay ng China sa ating bansa at sa iba pang mga kalapit bansa sa pamamagitan ng patuloy nilang reclamation sa loob ng ating exclusive economic zone (EEZ).
Sinabi rin ng Senate president na hindi dapat tumigil ang ating bansa sa Arbitral Ruling kundi dapat rin nating i-follow up sa The Hague kung ano ang totoong nangyayari sa ground.
Matatandaang una nang naghain ng resolusyon si Senador Risa Hontiveros para ipanawagan ng Senado sa administrasyon na iakyat na sa United Nations General Assembly (UNGA) ang usapin sa West Philippine Sea.
Kumpiyansa si Zubiri na papaboran ng mayorya ng mga senador ang resolusyong ito. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion